Friday, September 7, 2012

Kung Mawawala ka na, Salamat...

Hindi ko pinasasalamatan ang iyong pagkawala, kundi ang panahong ginugol mo sa akin. Siguro nga, ang lahat ng bagay ay may hangganan, lahat ay kailangang matapos, walang tumatagal ng panghabangbuhay kundi ang pagbabago.

Marahil ay nagsawa ka na sa ugali ko, o napagtanto mo na hindi pala ako ang taong hinahanap mo. Gayunpaman, nais ko pa ring magpasalamat. Naging makabuluhan ang buhay ko nang dahil sayo. Bumalik ang dating ako at namatay ang pagkatao ko na binago ng pagkasawi. Mawala ka man ngayon, at mawala man ang nararamdaman ko para sayo balang araw, tandaan mo lamang na hinding hindi kita makakalimutan, ikaw nagbigay ng panandaliang ngiti sa mga labing ito.

Hindi lahat ng pamamaalam ay kailangang maging malungkot. Salamat. Salamat...

Thursday, September 6, 2012

Kamalasan at Kung Anu-Ano Pa...

Hindi ko alam kung ano ang mayroon sa linggong ito. Paminsan-minsan sa buhay ko, nararanasan ko ang mga ganitong bagay, subalit ang linggong ito ay iba dahil naranasan ko ang lahat ng ito ng sabay-sabay.

1. Pag-ibig - Malabo. Hindi ko alam kung ano ang nangyari. Ang daming planong hindi natupad, pero iniintindi ko. Hindi ko lang masyadong maintindihan kung bakit parang umiiwas sya sa akin. Wala sa mood? O baka may galit? May kailangan ba akong malaman? Ewan ko.

2. Trabaho - Isa pang malaking kalokohan ito. Isa sa mga dating kliyente ko ay binigyan ako ng malaking sakit ng ulo. Matapos ang ilang buwan ng maayos na trabaho, Inilubog ako ng taong ito sa impyerno. Saan ko kukunin ang perang ibabalik ko sayo? At bakit ko kailangang ibalik ang perang pinalitan ko ng matinong pagsisilbi sayo?

3. Pamilya - Nag-away kami ng kapatid ko. Mababaw na dahilan, subalit kahit papaano naman ay naaayos na. Kahit ganon, mayroon pa ring nabuong lamat sa dating masaya naming pagsasamahan. Ang pinsan ko naman, nararamdaman kong umiiwas. Hindi ko rin alam kung bakit, pero mayroon akong ideya.

4. Sasakyan - Pagkatapos ng ilang oras na paggagawa, hindi pa rin umandar.

Ano nga ba ang nangyayari sa akin?