Saturday, August 18, 2012

Ang Pag-Ibig Sa Aking Pananaw

Marahil, minsan ay naramdaman mo nang magmahal. Ito ang isa sa pinakamalalaking hiwaga ng buhay. Maging ito man ay yung katabi mo noon sa canteen noong Grade 1 ka, yung substitute teacher noong 2nd year high school ka, o yung uber hot prof noong college ka, naniniwala ako na minsan sa buhay mo ay naramdaman mo na ito.

Naisip kong magpost sa blog na ito upang bigyang sagot ang isa sa mga pinakamalaking misteryo ng buhay; ang pag-ibig. Isinulat ko ito hindi upang baliktarin ang pananaw ng ibang tao, subalit upang ipaliwanag ang salitang ito sa paraang nalalaman ko.

Ano nga ba ang klase ng mga taong nagmamahal?

Ang Choosy - Ito ay ang 70% ng lahat ng taong nabubuhay. Sila ay may nakita sa isang tao kaya nila nasabing mahal nila ito. Madalas, ito ay pisikal na atraksyon, at ang mga pag-ibig na ganito ay tumatagal hanggang makahanap sila ng iba.

Ang Desperado/Desperada - Ito naman ang mga taong madalas ay nasa 30 gulang pataas. Dahil sa tagal nilang nabubuhay at wala pa silang asawa, handa silang pikutin ang kung sinuman, maging ang magtataho na dumadaan sa umaga upang maglako ng mainit na taho. Morning glory kumabaga.

Ang Martir - Ang mga taong ito ay nagmamahal nang walang hinihinging kapalit. Madalas, ang mga taong ito ay nakukulong sa friendzone. Nakikipagdate, kumakain ng isaw sa labas, nanonood ng sine, at nanonood ng sine kasama ang kanilang iniibig na ang turing sa kanila ay kaibigan lamang. Note: Ang mga taong nasa friendzone ay iba sa girlfriend o boyfriend, ang mga taong ganito ay minamahal ng kanilang kapareha biglang kapatid, kaibigan, o paboritong alagang aso --- walang sekswal na atraksyon.

Ang Sakim - Ang grupong ito ay maaari nating sabihing kabilang sa mga taong choosy. Ang kanilang pagmamahal ay para sa pangsariling kapakanan lamang. Karamihan sa kanila ay mga manyak na walang ibang ninanais kundi rumesponde sa tawag ng laman. Hindi nila kayang bigyang halaga ang nararamdaman ng kanilang kapareha, at kalaunan ay mawawala kapag nakahanap ng iba.

Ang malaking tanong, nakakabuti nga ba ang pagmamahal?

Positibo - Ang pagmamahal ay magbibigay sa iyo ng inspirasyon upang pagbutihin ang iyong mga ginagawa sa buhay. Maging ito man ay trabaho, pag-aaral, o kahit sa paglalaro ng basketball. Maraming tao ang ginawang inspirasyon ang pagmamahal, maging ito ay sa kanilang pamilya, kaibigan, o sa kanilang kapareha upang maabot ang kanilang mga pangarap sa buhay, at sila ay hindi nabigo.

Negatibo - Mayroong mga taong praning pagdating sa pag-ibig. Marahil ay hindi na bago ang mga taong biglaang magtetext ng kung anu-ano sa mga ex nila tuwing inaabot ng alas-dos ng madaling araw sa inuman. Sa aking pananaw, ito ay hindi gawain ng isang lasing, kundi ng isang taong nakahanap ng lakas ng loob gamit ang alkohol. Ang isang lasing ay walang magagawa kundi ang sumuka at matulog pagkatapos ng mahabang inuman. Sa tagal kong umiinom ng alak ay alam ko na ang mga bagay na yan.

Mayroon ding mga taong sinisira ng pagmamahal. Marami sa atin ang nakagawa ng mga bagay na hindi dapat dahil sa pagmamahal. Mayroong mga pamilyang nasira, may mga pagkakaibigan na nawala, at mga taong tuluyang nawala sa tamang landas ng dahil sa kanilang nararamdaman.

Siguro nga ay marami pang mga bagay ang hindi ko nasagot dito, ang misteryong ito ay patuloy na iikot sa ating mundo at sa buhay ng tao...

No comments:

Post a Comment