Wednesday, August 8, 2012

Isang Gabing Maulan

Martes ng madaling araw, katatapos lang ng inuman sa bahay. Medyo malakas ang ulan kaya nagpasya akong ihatid ko kayo. Wala sa isip ko na magiging espesyal ang gabing ito, ang tanging hinangad ko lamang ay maiuwi ko kayo ng ligtas. Sino ba naman ang mag-aakala na ang isang pangit na pangyayari ay may kapalit na kaligayahan?

Ang lakas ng ulan, siguro ay pitong araw na itong walang tigil sa pagbuhos. Mula sa amin ay mailan-ilang daanan ang matubig, subalit hindi ako mapipigilan nito para maiuwi kang ligtas. May isang daanang maraming sasakyan, tinitingnan ko sila at natatawa dahil inakala ko na ang mga nagmamaneho nito ay patanga-tanga na naman sa kalsada. Hindi ko inasahan ang susunod na mangyayari.

Bigla akong nakaramdam ng lamig sa aking mga paa. Pagtingin ko sa aking paanan, nagulat ako na puno na ng tubig ang ating sinasakyan. Baha pala, di ko nakita. Pinilit ko na hindi bitawan ang silinyador, nararamdaman ko na nahihirapan ang makina, pero ibinigay ko ang lahat ng aking kakayanan upang pilitin ang kotse na dalhin tayo sa mas ligtas na lugar. Alam kong kahit ang pinakamaliit na pagkakamali ay maaaring magpahamak sa atin, kaya't kahit may kaunting tama pa ng alak ay pinilit kong mag-isip ng tama hanggang makarating tayo sa isang mataas na lugar. Mabuti naman ay nakaakyat tayo sa harapan ng isang subdivision na medyo mataas.

Pagkahinto ay dali-dali kong binuksan ang hood upang tingnan kung ano ang nasira. Wala ang ilaw, madilim pa naman. Subalit bukod dito ay gumagana naman lahat. Sa lalim ng baha, mukang dito na tayo magpapalipas ng gabi, kasama ng 5 kaibigan natin.

Sa loob, magkatabi tayo subalit nasa kabilang panig ka ng sasakyan. Ako ang nasa upuan ng driver, nandun ka sa kabila katabi ng isang kaibigan natin. Iyong 4 na kasama natin ay nagsisiksikan sa likod. Bagamat ang karaniwang pakiramdam sa ganitong sitwasyon ay kalungkutan. Subalit wala akong iginuguhit sa basang bintana kundi mga mukang masasaya. Marahil ay ganito talaga ang normal na pakiramdam kapag nakasama mo ng di inaasahan ang taong nakakapagpangiti sayo.

Isinulat mo ang petsa at ang oras, nang makita ko ay di ko ito nakalimutan. August 24, 2012 4:10 AM. Lumabas kayo sandali, at nang makabalik kayo ay lumabas naman ako upang maghanap ng banyo, buti na lamang ay mayroon dun sa lugar na iyon.

Pagbalik ko ay nakaupo ka sa upuan ko, nahihiya man ako ay tumabi ako sayo. Noong una, nahihiya talaga akong dumikit sayo kaya pilit kong idinidikit ang katawan ko sa kabilang panig ng upuan, ayokong isipin mo na inaabuso ko ang sitwasyon. Subalit ng maramdaman ko na inaantok ka na ay inalok ko sayo ang aking balikat para masandalan mo. Alam kong nakakapagod ang mga pangyayari kaya't hinangad ko na mabigyan ka man lang ng masasandalan para makapagpahinga ka ng maayos kahit sandali. Noong sumandal ka, hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam - masarap na para bang kahit anong puyat ko ay nawala, at masaya, dahil iyon ang unang pagkakataon na nakalapit ako sayo. Noong makatulog ka, hindi ako makatiis, nakatingin ako sayo at nilalasap ang pagkakataon na ito. Ito pa lamang ang panahon na nakalapit ako sayo, at halos ilang pulgada lamang ang pagitan natin.

Habang tinititigan kita ay di ko mapigilan na halikan ka sa noo, tulog ka man at hindi mo naramdaman, ito na ata ang pinakamasayang gabi ng buhay ko. Marahil ay hindi na mauulit ang gabing ito, kaya't pinilit ko na hindi makatulog upang hindi ko maramdaman ang pagbilis ng oras.

Sumandal sayo ang isa sa mga barkada natin, kaya't nagkalayo na tayo. Tapos na ang ligaya, pero masaya pa rin ako. Sa ilang minuto na iyon, napasaya mo ko na alam kong mararamdaman ko ng matagal. Lumabas akong muli ng sasakyan, at ikaw naman ay tinatawagan na ng iyong pamilya kaya't tuluyan na nga tayong nagkahiwalay. Pagsikat ng araw, alam kong kailangan mo nang umuwi, kaya't inihatid na kita sa sakayan ng bus upang makapagpahinga ka na ng maayos sa bahay.

Marahil ay sandaling panahon lamang iyon, subalit walang tigil akong magpapasalamat sa iyo, na sa loob ng ilang oras ay natupad ang isa sa mga pangyayaring inaasam-asam ko. Nasira man ang sasakyan, hindi nito mapapalitan ang kaligayahan. Salamat sayo, salamat.

No comments:

Post a Comment